Friday, July 10, 2009

'Yung Drum at Poso

May drum kami noon...
Noong una, yari ito sa lata. Parang pinanggilangan yata ng oil or kerosene or gasoline or aphalt. Basta malaki ito. It might have contained about 1000 gallons. Meron pa ngang mga marka ng aspalto (asphalt) sa gawing ilalim. Maybe to cover the holes.

Mahirap punuin ang drum. Dahil ang poso namin, o ang tawag namin ay bomba (water pump), ay napakahina maglabas ng tubig. Parang
 dumudura 
lamang ito kahit unat kili-kili na ang pagtikwas. 
Come to think of it, sa pamilya namin ang tawag ay "magbomba" dahil medyo malaki ang poso namin. Sa mga kapitbahay, ang tawag nila ay magtimba. Magtimba? E ang timba ay balde hindi naman poso. Dapat, mag-poso, di ba?

Masuwerte na rin kami,  dahil nga sa lipon ng kapitbahayan namin, mabibilang ang bahay na may sariling poso (bomba nga sa amin). Karamihan sa mga kalaro ko noon ay nakiki-igib lamang sa kapitbahay. 
Meron din namang pam-publikong poso, na nasa tawid kalye lang ng bahay namin. Sikat ito sa tawag na ilang-ilang. Doon, karamihan nag-iigib ang mga walang poso. Pangkaraniwang tanawin na rin ang mga kababaihang naglalaba. Huwag ka, at ang mga damo sa paligid ang ginagawang kulahan. At ang mga medyo mataas na damo naman ang nagiging sampayan! Tuwing maglalaro kami noon at nauhaw, magtitimba ang isang kalaro at isasahod namin ang aming bibig sa mismong bibig ng poso. Ganun ka simple! 

Sa aming poso na tila dumudura sa pagpapalabas ng tubig, nagpapalitan kaming magkakapatid sa pagpuno ng drum. Lalo na nung naging yari ito sa semento. Na parang isang maliit na swimming pool or tub (syempre, maliit pa ako nun e). Para mapuno ito, sidhing t'yaga at effort. Minsa, tigkakalahati kami (Me guhit pa ito!) Hayyyy, makakabisado mo lahat ng dapat kabisaduhin dahil sa tagal. Lalo na pag naglalaba ang mga kapatid ko at si Nanay. Kung hindi ako nagkakamali ay dati tumatanggap pa si Nanay ng labada para pandagdag sa budget ng pamilya. Tulong tulong naman sa paglalaba. So, kami naman ang taga bomba. 

Minsan, hindi ko malilimutan, na sinabi ng Nanay ko na magtyaga daw ako sa pagtikwas. Dahil kahit paunti unti, siguradong mapupuno din ang drum. Sabi pa nya, patak man daw ng ulan, nakakadurog ng bato kung paulit-ulit, Natanim na 'yun sa isip ko. Hanggang ngayon, ganun pa rin. 

Kaya ang drum at ang bomba, siguradong may kwento at parte na ng buhay namin sa probinsya. Isang kwentong may aral na dala ko hanggang ngayon.





Tuesday, June 16, 2009

Sampalok, Saresa, Bayabas, Mangga, Atbpa.


Marami kaming mga halaman na nakapaligid sa bahay namin noon.

Hanggang ngayon, karamihan sa mga punong mangga ay buhay pa. Kaya lang wala na yung malaking-malaking puno ng sampalok na nagsisilbing lilim sa aming poso. Kasi,
 tinigbak ang puno ng sampalok dahil extend ng extend ang bahay namin, kahit noong luma pa.

Noong bata ako, nakikipagpayabangan pa ako sa paramihan ng puno. (Mayabang nga e! Paramihan ng puno!) Kung hindi ako nagkakamali, noon ay mayroon kaming siyam na puno ng mangga nanakapaikot sa bahay. Mayroon ding saresa o aratiles, sa gawing harap at likod, na paborito kong akyatin. Pag gising, wala pang almusal, akyat agad!  Aba, mahirap ng maunahan sa mga hinog, katamis yata ng mga 'yun. Matikas din ang kapatid ko sa pagpanhik sa puno e! Sa totoo lang, kahit maliit ang mga bunga ng saresa ay halos kabisado ko na ang sunod sunod na mahihinog! hehehe! 

'
'Yung puno ng sampalok sa likod-bahay, natatandaan ko, maraming gagamba. Kaya kung maghahanap kami ng gagamba, e aakyat kami ng puno. Kaso, madalas ay may higad. Buti na lang may kakampi kami ni Sonny sa paghanap ng gagamba. Ako, si Dong ang taga-akyat, kay Sonny e si Kata. Mga kabataan na mas may idad sa amin, pero  kaibigan siguro ng pamilya at madalas tumambay. So, naging impluwensya sa pangangangamba. May isang halamang-baging na kumapit sa puno ng sampalok namin. Ang  tawag ay orange. Masarap ito kung hinog, maasim kung hilaw. Kamalay-malay ko bang mahal pala at exotic fruit ito? 
Passion fruit na ngayon ang tawag ko dun, sosyal na! Hahaha!

Tapos, meron kaming balimbing sa gawing kanan ng bahay. Yung balimbing, pinagkakitaan ko dahil bihira sa aming probinsya. Nagdadala ako sa skul, tapos binebenta sa mga kaklase. Pwedeng dyes o 10 cents, o singko or 5 cents. Ganun din naman pag panahon ng mangga, kaya mayroon akong ekstrang baon. Tyagaan na lang sa pamimitas at pagbitbit sa paglakad na may isa't kalahating kilomentro din patungong paaralan.

Sa tabi ng aming balimbing ay may puno ng minerva. hindi kalakihan ang puno na galing ng Zambales. Mistula itong maliit na santol na napakatamis pag nahinog. Sa tuwing may
 payabangan kami, panalo ako sa minerva. Aba, walang meron nun sa aming probinsya... kami lang! Kasunod nito ang punong kamyas. Na may kayabangan dahil hitik kung mamunga. Kamyasan na rin ng bayan dahil maraming kapitbahay ang nanghihingi nito.

Si Tatay ang mahilig magtanim sa amin. Siguro, medyo naman rin namin ng konti at karamihan sa amin ay mahilig magtanim o mahilig sa halaman. Sabi nga nila nung ipinanganak ako, si Tatay ay nasa likod bahay at pumipitas ng mga bungang sitaw. I myself have inclination towards agriculture. And I like taking photos of flowers and plants. Ang ibang mga kapatid ko naman ay mga namumulaklak na halaman ang mga itinatanim.

Maliban sa mga punong-kahoy na aming napapakinabangan, marami ding ibang tanim na maraming benefits sa amin. Gaya ng kawayan, ang bakod namin noon na nakatanim na kamoteng-kahoy at ang mga tanim na kamoteng baging sa paligid. Pag tag-ulan, kusang tu
mutubo ang mga saluyot. Kung saan din sila tumubo last year. kasi andun lang din ang mga buto na natuyo. Doon yun sa gawing sulok sa gawing puno ng atsuwete at ng punong bayog.

Sa mura kong isipan ay naaalala ko ang aming kamatsile, na sikat dahil sa tamis ng bunga. Kadami nga lang tinik at kahirap sumungkit, pero sulit naman. Lalo na kung mapulang mapula na ang bunga. 'Yung kanal namin, na malapit sa kamatsile ay hindi rin nakaligtas. Mayroon ditong nakatanim na gabi. Imagine, pag hindi nakaligtas ang sinungkit  mong kamatsile, sa kanal ang lagpak! Hayyyy, sayang! Matapos mangawit ang leeg kakatingala at ang kili-kili kasusungkit!

Sa aming bahay noon, sa probinsya, ay parang kahawig na rin ng awitin na bahay-kubo. Isang bahay na napapaligiran ng iba't ibang tanim. Simple, payak, malamig dahil sa mga punong nakapaligid. At masaya.