Friday, July 10, 2009

'Yung Drum at Poso

May drum kami noon...
Noong una, yari ito sa lata. Parang pinanggilangan yata ng oil or kerosene or gasoline or aphalt. Basta malaki ito. It might have contained about 1000 gallons. Meron pa ngang mga marka ng aspalto (asphalt) sa gawing ilalim. Maybe to cover the holes.

Mahirap punuin ang drum. Dahil ang poso namin, o ang tawag namin ay bomba (water pump), ay napakahina maglabas ng tubig. Parang
 dumudura 
lamang ito kahit unat kili-kili na ang pagtikwas. 
Come to think of it, sa pamilya namin ang tawag ay "magbomba" dahil medyo malaki ang poso namin. Sa mga kapitbahay, ang tawag nila ay magtimba. Magtimba? E ang timba ay balde hindi naman poso. Dapat, mag-poso, di ba?

Masuwerte na rin kami,  dahil nga sa lipon ng kapitbahayan namin, mabibilang ang bahay na may sariling poso (bomba nga sa amin). Karamihan sa mga kalaro ko noon ay nakiki-igib lamang sa kapitbahay. 
Meron din namang pam-publikong poso, na nasa tawid kalye lang ng bahay namin. Sikat ito sa tawag na ilang-ilang. Doon, karamihan nag-iigib ang mga walang poso. Pangkaraniwang tanawin na rin ang mga kababaihang naglalaba. Huwag ka, at ang mga damo sa paligid ang ginagawang kulahan. At ang mga medyo mataas na damo naman ang nagiging sampayan! Tuwing maglalaro kami noon at nauhaw, magtitimba ang isang kalaro at isasahod namin ang aming bibig sa mismong bibig ng poso. Ganun ka simple! 

Sa aming poso na tila dumudura sa pagpapalabas ng tubig, nagpapalitan kaming magkakapatid sa pagpuno ng drum. Lalo na nung naging yari ito sa semento. Na parang isang maliit na swimming pool or tub (syempre, maliit pa ako nun e). Para mapuno ito, sidhing t'yaga at effort. Minsa, tigkakalahati kami (Me guhit pa ito!) Hayyyy, makakabisado mo lahat ng dapat kabisaduhin dahil sa tagal. Lalo na pag naglalaba ang mga kapatid ko at si Nanay. Kung hindi ako nagkakamali ay dati tumatanggap pa si Nanay ng labada para pandagdag sa budget ng pamilya. Tulong tulong naman sa paglalaba. So, kami naman ang taga bomba. 

Minsan, hindi ko malilimutan, na sinabi ng Nanay ko na magtyaga daw ako sa pagtikwas. Dahil kahit paunti unti, siguradong mapupuno din ang drum. Sabi pa nya, patak man daw ng ulan, nakakadurog ng bato kung paulit-ulit, Natanim na 'yun sa isip ko. Hanggang ngayon, ganun pa rin. 

Kaya ang drum at ang bomba, siguradong may kwento at parte na ng buhay namin sa probinsya. Isang kwentong may aral na dala ko hanggang ngayon.